Panaginip
A Spoken Poetry based on my dreams
Panaginip,
Isang alaalang kay sarap ulit ulitin.
Malayang mahalin ang taong gusto mong ibigin,
Ayaw ko ng magising,
Pilit kong bumabalik sa alaalang
Sa panaginip lang naransan.
Ito ay noong ikaw ay aking nasilayan.
Ang iyong mukhang hindi nagbabago ang ganda,
Gustong gusto kitang makita.
Ang kamay mong gusto kong mahawakan,
Sa aking panaginip, ayaw ko ng bitawan.
Isang alaalang kailanman hindi naganap,
Sa tunay na buhay lagi kong pinapangarap.
Makita ka, masilayan ang iyong mukha,
At masambit ko ang mga salitang, “Mahal kita!”
Ngunit habang tumatagal, unti unti ko ng nakakalimutan,
Kahit anong pikit ko’y kunti na lamang ang naiiwan,
Sa isip ko pilit kong binabalikan.
Ayaw ko ng magising, Ayaw kitang iwan.
Dahil alam ko sa pagdilat ng aking mga mata,
Wala ka…
Naalala ko pa, ramdam na ramdam ko ay iyong hininga,
Ang iyong mukha, boses at ganda,
Sobra akong humahanga,
Sa aking panaginip,
Minsan nasambit mo sa akin,
Habang tayo ay magkasama,
“Iniintindi naman kita eh”
Sabay sagot ko:
“Kung mahal mo ang isang tao, iintindihin mo.
Nagkakaintindihan naman tayo, di ba?”
Naramdaman kong naintindihan mo ang aking sinabi.
Sa ibang salita, mahal natin ang isa’t-isa, di ba?
Mga huling kataga bago dumilat ang aking mga mata.
“Sandali, hintay, huwag!” Sigaw ko sa aking sarili!
Habang umuulit ang huling mga eksena,
Nasa bahay tayo noon, ika’y aking ipinapakilala,
Tayo ay nasa hapag kainan,
Magkatabing nakaupo sa harap ng mesa.
Pilit kong inaabot ang iyong kamay,
Umaaasang iyong kukunin din.
Nagkatitigan at ika’y ngumiti sa akin.
Subalit tila may mali,
Dahil kahit sa panaginip, hindi sila sa aking panig.
Ayaw ka nila tulad sa tunay na buhay,
Ano man ang aking gawin, pilit nilang hinahadlang.
Hanggang sa panaginip ba naman?
Ang saya na aking nararamdaman,
Ay biglang napalitan ng galit at pagkasuklam.
May magagawa pa ba ako?
Kung kahit aking panaginip ay hindi ko makamit.
Minsan nga lang dumating,
Minsan na nga lang makapiling,
Kahit sa panaganip,
Wala pading magawa, wala pading pag-asa.
Napakasaya ko dahil kahit papaano,
Kahit kunting oras,
Nakita kita, nahawakan ang iyong mga kamay,
At higit sa lahat, sinabi mo sa akin, “Mahal kita.”
Bago ka nawala.
Nang dahil lang ako’y nagising na.
Ngunit salamat sa pagdalaw, salamat sa pagmamahal.
Mas pipiliin kong matulog at magbulag-bulagan,
Kesa magising at harapin ang katotohanan.
Na ikaw ay malayo at hindi ko na masisilayan,
Dahil may iba ka ng kapiling,
At kailanma’y hindi ako magawang mahalin.
Patawad, paalam.
Patawad dahil hindi ko naipaglaban,
Ang aking pag-ibig noong may oras pa akong iwan,
Iwanan ang lahat ay piliin ka.
Paalam sa lahat ng ating pagmamahalan,
Na sa panaginip ko lang nararansan.
Sa pagsapit ng gabi, isa lamang ang hiling,
Na sa aking panaginip, ako ulit iyo’y bisitahin.
Handang sumaya kahit hindi na magising.